top of page

Dear Strawberry


Strawberry, pinakamamahal kong anak.

Ang aking honey pie-pie prunecake,

Sana ay datnan ka ng liham ko na nasa mabuting kalagayan.

Balita ko ay inaaya kang mag-date sa Sabado ng manliligaw mo.

Kilala mo ba yang lumiligaw sa iyo, bebe ko?

Tinitingnan ko ang hilatsa ng mukha niya sa Facebook. Di ko gusto. Mukang hindi normal. Ewan ko lang ha. Ang sama ng ngiti. Yun bang tipong tumatawa pag nasa lamay ng patay.

Lapastangan.

Mayaman pala! May hacienda? Pero bakit ganun. Nakatapak ang paa sa likod ng mga sacadang payat. Mukang di pinakakain ah.

Hmm. Graduate pala sa Amerika. Uy, Wharton! Kaya lang di marunong humawak ng martilyo. Naku Strawberry, no good. Paano yan sa bahay niyo, pako lang di pa mapukpok?

Psssst balita ko may kaibigang pulis yang anak mayaman na yan. At kawatan daw. Ingat ka Strawberry my love. Tiyak ko bantay salakay yan. Mamaya mo, limas na lahat ng gamit mo. Pati Medicol at Cortal sa medicine cabinet, binenta na.

Aber, aber, aber. Dami palang dabarkads ng suitor mo. Mahilig sa L. L na lawyer. Take three nga lang yung isa. Yung mukang ambisyosa. Vice President daw ng fans club ng suitor mo. Pero nang-umit lang kuno ng boto kaya nanalo. Totoo ba yun? Tsk tsk tsk. In fairness, o, makinis ang tuhod!

O, sino naman itong isang L na ito? Di kagandahan (at medyo mataba ha, pasintabi po) pero mukang hit na hit sa mga boys. Yung boys na durugista sa kanto. Pero, ha. Friends na friends daw sila at galante pa. Sabi-sabi nagpatak-patak ang mga boys nang kumandidato si di kagandandahan sa Bb. Senado. Aba ang bruha, nanalo.

Alam mo ba kung sino ang first runner up? Yung barkada rin nila na si Tililing. Yan na yata ang pinaka-chismosang nilalang. Lahat siniraan. Ang sama ng ugali. Isinusuka ng schoolmates niya.

Yang manliligaw mo ang swerte. Mayaman na nga siya , may tiyahin pang bilyonarya sa Amerika. Balita ko panay ang padala ng pera para sa mga luho ng kumag. Ang ganda nga ng laruan niya ng Dota. At saka pag may karibal daw yang suitor mo, tsugi sa tiya niyang ito. Bumabayad para i-chismis at siraan. Ang bad no?

Anyway, mahal kong Strawberry, malayo pa naman ang Sabado. Pag-isipan mo muna. Ang payo ko sa iyo, pumirmi ka na lang sa bahay. Wala kang mahihita diyan sa manliligaw mong yan at ang mga barkada niyang b.i. Oh, akala mo di ko alam ang b.i. ha! Bery illegal!

Sabi nila,"Tell me who your friends are, and I'll tell you who you are." Sabi rin ni Ate Vi, "You can never can tell!" Ingat, anak.

Ang nagmamahal mong ina.

PS Palitan mo yang profile picture mo. Di bagay sa iyo ang damit na dilaw. Muka kang may sakit.

Yun lang. Love you ulit!

To follow Dr Ethel Pineda on Facebook, click above image.


FOLLOW US

  • Black Facebook Icon
  • Black Twitter Icon
  • Black Instagram Icon
  • Black Pinterest Icon
  • Black YouTube Icon

STAY UPDATED

RECENT POSTS

ARCHIVE

bottom of page